Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Col. Jean Fajardo na tiyak nang maibabalik sa Pilipinas si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo matapos mai-turn over ng Indonesian authorities siya kina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa Jakarta, Indonesia ngayong Huwebes, Setyembre 5 ng hapon.
“Pumayag na po ang Indonesian Police na i-release na po sa kustodiya nila SILG (Secretary of Interior and Local Government) at chief, PNP po si dating mayor Alice Guo,” pahayag ni Fajardo.
Ayon kay Fajardo, pagdating sa Villamor Airbase mula Indonesia sakay ng isang chartered flight ay ididiretso si Guo sa PNP General Hospital upang sumailalim sa physical at medical checkup.
Subalit bago nito, ihaharap sa media conference nila Abalos at Marbil si Guo sa PNP Multi-Purpose Center na inihahanda na ngayon sa kanilang pagdating.
Matatandaan na kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) noong Agosto 21, na naaresto sa Indonesia ang dating alkalde na inuugnay sa illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) hubs sa bansa.
Ipinaliwanag ni Fajardo na pansamantalalang ilalagay sa kustodiya ng PNP si Alice Guo dahil ito ang magsisilbi ng arrest warrant na inilabas ng Senado laban sa dating alkalde.
Kinalaunan ay ililipat din ng PNP si Alice Guo sa kustodiya ng Senado upang humarap sa mga pagdinig kaugnay sa diumano’y pagkakasangkot nito sa illegal Philippine offshore gaming operations (POGO) at iba pang criminal activities tulad ng online scamming, torture, human trafficking, crypto currency fraud at iba pa.