Staff ni Bong Go, idinawit sa reward system sa ‘Oplan Tokhang’

Idinawit ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma ang isang staff ni Sen. Christopher “Bong” Go na siya umanong pinanggagalingan ng pera na ibinibigay na reward sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspect nang ipatupad ang “war on drugs” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa sinumpaang salaysay ni Garma na kanyang binasa sa pagdinig ng House Quad Committee noong Biyernes, nabanggit nito ang isang “Muking” na tumawag sa kanya upang hingin ang numero ni Police Lt. Col. Edilberto Leonardo, na inirekomenda ni Pangulong Rodrigo Duterte upang pangunahan ang pagpapatupad ng “war on drugs” campaign.

Ayon kay Garma, si “Muking” ay si Irmina Espino na naging tauhan ni Go sa Davao City Hall noong si Duterte ang alkalde pa ng lungsod. Nagtrabaho rin umano si Muking bilang assistant secretary nito Go na ito ay italagang Special Assistant to the President noong nasa Malacañang na si Duterte.

Isiniwalat ni Garma na nakatatanggap ng reward ang mga pulis na nakakapatay ng drug suspects at nababawi ng mga pulis ang kanilang gastos sa operasyon kapag nakapagsampa ng kaso sa korte laban sa mga drug suspect.

Ikinuwento ni Garma na kinausap siya ni Duterte noong 2016 upang maghanap ng pulis na mangunguna sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot at si Leonardo, na kanyang upperclassmen sa PNP Academy ang kanyang ibinigay na pangalan.

“On the same day, a certain individual named ‘Muking’ contacted me by phone to request Leonardo’s contact details, which I promptly provided,” sabi ni Garma.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *